Pagninilay: Ritwal ng Paglimot ni Dindo Perez

Young woman waking up with alarm clock.

Tulad ng muta
ang ‘yong gandang
inalis ko
sa aking mata.

Nalasahan ko
ang ‘yong halik
sa iniluwa
kong plema.

Kasama sa uhog
ang iyong halimuyak
na aking
isininga

Mahal, kaninang umaga:
nilunod kita
sa alaala
ng lababo.

Ayon sa konteksto, sa tingin ko pinapaliwanag ng manunulat ang nangyayari sa umaga ng isang taong sawi sa pag ibig. Simula sa pagmulat niya inalis niya ang muta sa kaniyang mata, ang plema na kaniyang iniluwa ay dahil sa pag-iyak nagdulot ito ng pagsinga ng uhog sa ilong.

Ang paggamit ng salitang plema, muta at uhog ay di pangkaraniwan sa isang tula. Kakaiba ito dahil inisa isa at idinetalye ang paglalarawan niya sa kaniyang pagbangon mula sa pagkakaiyak. Kahit na di niya nabanggit na umiyak siya, pero sa mga ginamit niyang salita, naintindihan na agad siya ng mga mambabasa dahil lahat ng tao ay nararamdaman ito matapos umiyak. Maaari naman niyang sabihin na “mga ginawa ko sa umaga” pero mas idinetalye niya pa ito at gumamit pa siya ng salitang “Ritwal” sa pamagat.

Sa aking palagay inihalintulad niya sa “ritwal” o ginamit niya ang salitang ”ritwal” dahil meron proseso. Ayon sa tula, ginagawa niya ito sa umaga dahil nabanggit ang “kaninang umaga” at sinimulan niyang alisin ang “muta”, iniluwa ang “plema” at isininga ang “uhog” hanggang sa “nilunod” sa lababo ang mukha. Ang nilulunod o nililinis natin sa lababo ay ang ating mukha lamang kaya niya nasabing “nilunod kita”. Nasabi niyang “kita” dahil ang alala niya sa kaniyang mahal ay nasa isip pa rin niya na parte ng ulo. Ginawa niya ang lahat nang ‘to upang alisin na sa alala niya ang maruruming katangian o malungkot na karanasan. Ang “lunod” ay kasama ng tubig at ang tubig ay nagsisimbolo ng paglilinis o pagsisimula muli. Sa pamamagitan ng paghilamos niya sa umaga, magsisilbi itong bagong panimula sa araw araw.

Ang tulang ito ay may pamagat na “Ritwal ng Paglimot”, dahil nga sa nararamdaman niyang bigo sa pag-ibig ay gusto niya na lang kalimutan ang mga magagandang alaala tulad ng “ganda”, “halik” at “halimuyak” na naranasan niya kasama ang kaniyang minamahal. Napalitan ang magagandang katangian nito ng dumi. Ang “ganda ay inalis” at inihalintulad niya na lang sa “muta”, ang amoy na “halimuyak” ay itinulad na lang sa “uhog”, di na rin siya masaya sa nararanasan niya kaya “nilunod” o naghilamos na lang siya para magbagong buhay muli para makalimutan na niya ang mahal niya.

Ngunit hindi masisigurado na mabubura ang alaala. Babalik ang muta, magkakaplema pa rin at uuhugin, dudumi ang mukha dulot ng kalungkutan. Nais ring ipahiwatig ng manunulat alam niya ang iniwan niyang mga salita, paglinis ng kaniyang sarili ay hindi pa ring tuluyang mawawala ang alaala. Babalik at babalik pa rin ito, ngunit sa pamamagitan ng ritwal, ang sakit na mararamdaman ay unti-unting mawawala. Dahil rin sa ritwal o pag uulit na gawin ito araw araw, maalala niya na nanghihinayang siya sa oras kasama ang minahal niya ngunit ito rin ay paalala na hindi na niya uulitin ang pagkakamali na nangyari sa pagitan nilang dalawa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.