Bad Genius Fanfiction: Karangalan o Dignidad?

Bad genius fan fiction

Mahirap ang buhay namin ngayon. Sa totoo nga, dapat pag aaral lang ang inaasikaso ko dahil nasa ikalabing dalawang baitang pa lang ako. Oo, alam kong dalawampung taon na ako at dapat nagtatrabaho na ako. Kaso sa pagbalik ko naman ng paaralan, naabutan pa ako ng sinasabi nilang K-12. Kaya anim na buwan pa ako sa hayskul. Wala akong magagawa kundi mag aral ng mabuti at wag na lang magreklamo kasi wala rin namang magagawa ang pagrereklamo. Kaya naman, nag aaral ako habang pumapart time job sa kahit saan na pwede.

Gusto kong mapag isa na lang. Ayaw ko na umuwi kasama ang magulang ko dahil di rin naman nila ako sinusuportahan. Kahit nga sampung pisong baon lang, may kasama pang sigaw. May sakit din ang lola ko at ako lang lagi ang sinisisi kapag napapabayaan na nila. Samantalang ako lagi ang nagpapalit ng damit at nagpapakain kay lola habang ang walo kong kapatid ay walang ginawa kundi lumayas, maglasing at manumbat na dapat tumutulong na ako sa gastusin sa bahay.

Di na ako makatagal sa bahay na punong puno ng mga taong di naman nakakatulong sakin. Naawa na lang ako kay lola dahil wala nang mag aasikaso sa kanya tulad ng pag pag aalaga ko sa kanya.

Nako! Dapat di ko muna isipin ang nakaraan. Dapat makahanap na ako ng mataas taas na sweldo para sa upa ng bahay at iba pang bilihin para mamuhay nang mag isa. At isa pa pala sa problemang kinakaharap ko! Kailangan kong makapasa sa UPCAT para matupad ko ang pangarap ko na mag agri-business. Pero pano ko nga ba matutupad yun kung aral at trabaho na ang responsibilidad ko?

“Hayyy! Wag ko na nga muna isipin yan, mahalaga makapagreview!”

Sa paaralan, may naririnig akong bulong bulungan na may nagrerecruit na patago para sa review ng kahit anong entrance exam.

“Aba! Pagkakataon ko na to para simulan ang unang hakbang sa pangarap ko.”, sigaw ng isip ko.

Kaya dali dali akong nagtanong sa kaklase ko kung saan yun.

Pagpunta namin sa lugar, may mga di pamilyar na mukha akong nakikita. Siguro galing rin sila sa iba ibang paaralan. May apat na tao akong nakikita na nasa unahan at di ako makapaniwala na mas labing walong taong gulang pa sila! Nahiya naman ako sa edad ko.

Pinakilala ni Grace si Lynn at Bank, sila raw ang mangunguna sa pagrereview at pinakita din nila ang achievements, certificates na talagang magtitiwala kami sa dalawang yun. Nandoon din si Pat, nobyo nga ata yun ni Grace kasi ang haharot sa unahan namin. Sinabi nilang dalawa na sila ang bahala sa amin, basta magbayad lang kami. Kaya lang, kailangan kong magbayad ng 3000 para sa review na to, ang laki din pala ng bayad. Pero saka ko na nga lang iisipin ang pera mahalaga malaman ko muna kung paano ako papasa sa UPCAT.

Pinapaliwanag ni Grace at Pat ang mga mangyayari bago kami mag exam. Nagulat ako nung nalaman kong mag eexam pala muna si Lynn at Bank sa UPCAT bago namin makita ang sagot!

“May ibibigay rin kaming lapis na may code at dito niyo makikita ang sagot”, paliwanag ni Grace habang pinapakita samin ang parte ng lapis na may code.

Grabe yun! Nakakatakot pero nakaramdam ako ng lakas ng loob na makakapasa dito. Balita ko rin kasi na nagagawa rin nila Bank at Lynn ang ganitong uri ng “review” sa iba nilang kaklase. Pasalamat na lang ako kasi nakilala ko silang apat.

Pagkatapos ng orientation, nag isip isip ako pagdating ko sa bahay.

Duda na ako sa magiging resulta pero ito na kasi ang unang hakbang para mangyari ang pangarap ko. Alam kong mali pero matatapos rin naman to at isang beses ko lang gagawin. At tsaka, pera na lang ang poproblemahin ko, di na ako mahihirapan magreview. Bahala na kung saan man ako palarin na makahanap ng mataas na sweldo. Kailangan lang kumayod nang kumayod, mahalaga rin na di na pagod ang utak ko kakareview sa gabi.

“Alrighttt! Kaya mo to Angel! One step at a time.”

“Salamat Lord! Nakahanap ako ng tatlong trabaho kada buwan. Humigit kumulang, nasa 10, 000 ang sweldo ko kung di ako susuko. Mahirap pagsabayin ang pag aaral at trabaho ha lalo na kung may paghahadaan na malakasang exam. Mabuti na rin pala ang desisyon ko na mag”review” at pera na lang ang kapalit.

Naisip ko nga e, ayos din pala ang naging desisyon ko kasi pagod lang ang katwan ko buong maghapon pero ang utak ko, may lakas pa para kinabuksan.

Di na ako makokonsensya sa gagawin ko kasi win-win din naman to. Di na ako mamomroblema sa UPCAT, at tiwala rin ako sa apat na yun na di kami mahuhuli.

Tuwing pagtapos ng klase, dumidiretso agad ako sa una kong trabaho at pangalawa hanggang sa abutin ako ng alas onse na tapos ng pangatlo kong trabaho. Kaya pag uwi ko sa bahay di na ako nakakain nang maayos. Ayos na sakin ang kwek kwek at pishbol, may mailaman lang sa sikmura ko.

Magtitiis lang ako ng isang buwan para dito, sa susunod na buwan babawasan ko na ang trabaho ko.

Dumating na nga ang araw na pinakahihintay naming lahat! Alas sais ng umaga, naghihintay na ako sa lugar na napag usapan kung saan ibibigay samin ang lapis na may code. Inabot na kami ng alas syete, ang mga kasama ko ay nagrereklamo na at kinakabahan na baka mahuli sa exam.

“Pat ano ba?! alas syete na oh! mahuhuli kami nyan sa exam.” sigaw ng babae.

“Niloloko niyo ba kami? Huli na kayo sa napagkasunduan nating oras. Amin na ang refund!”, reklamo ng lalaki.

“Teka lang. Huminahon kayo! Nagpiprint na at konting minuto na lang mabibigay namin sa inyo.”, paliwanag ni Pat at umakyat na sa hagdan.

Rinig din ang ingay ng busina ng mga motor na nakahanda na sa pag alis.

Bumaba na sila Pat at Grace sa hagdan at dali daling inabot samin ang lapis na may code.

“Pasa pasa na lang para mabilis.” sigaw nila Pat at Grace habang namimigay ng lapis.

Pagkaabot sakin ng lapis ay agad akong tumakbo sa motor habang sinusuot ang helmet at sumakay agad.

Nakita ko rin sila Pat na namimigay ng sweldo sa mga driver ng motor namin. Nakakatuwa lang kasi naging magandang pagkakataon pa ito para sa ilan para maghanap buhay. Ilegal kung titingnan pero marami namang natulungan kaya naman taas noo na akong sumakay sa motor sabay paandar agad ng motor ni manong driver.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.