Alamat ng Unang Sipol ni Belly Bells

hite Dandelion Flower Shallow Focus Photography

Noong unang panahon nakakasama pa ng mga tao ang dyosa na si Lihangin. Si Lihangin ang dyosa na hangin na may kakayahang lumikha ng kahit ano ayon sa gusto niya. Kaya nilikha niya ang pinakamamahal niyang alaga na si “Haru”. Ito ay nilikha ni Lihangin mula sa hangin lamang. Siya lamang ang nakakakita dito ngunit nararamdaman ito ng mga tao. 

Maraming diyos sa panahong iyon pero si Lihangin ay mas pinili niya na manirahan sa kalupaan dahil gusto niya makasama ang mga tao.

“Hoooot! Haru!” sipol at pagtawag ni Lihangin sa kanyang alaga na lumilipad patungo sa kaniya. 

Haban abalang nag aani ng palay ang mga tao kasama nilang nagsasaya sa ulap ang kanilang dyosa dahil alam nilang umaawit ang kanilang dyosa na di nila alam tinatawag niya lang si Haru.Malinaw na nakikita nilang nakasuot ito na kulay pulang damit, nakangiti sa kanila at may mahabang buhok. Hindi nakikita ng mga mortal si Haru dahil nilikha ito upang may maramdaman ni Lihangin na di siya nag-iisa.

Sa isang sulok ng sakahan, napansin ni Lihangin ang isang binata na pawisang binibuhat ang inani niyang palay.

Agad na pinahanginan ni Lihangin ang binata upang mapawi ang pawis nito at mabigyan ng kaunting ginhawa habang tagaktak na ng pawis. Sumipol muli si Lihangin at lumipad kasama si Haru kaya humahangin ng malakas patungo sa binata na siyang ikinatuwa nito.

“Salamat po Lihangin!” nakangiting sigaw na may paggalang ng binata.

“Walang anuman. Tungkulin kong alalayan kayo sa inyong paghahanapbuhay at simple lang itong maitutulong ko.”, sagot ng dyosa.

Sumipol muli si Lihangin paalis habang kumakaway sa binata. Walang kaalam kalaam ang binata na nilalaro na rin pala siya ni Haru, ang alam lang nito ay humahangin sa kanyang paligid.

Mula sa patagong pagmamasid sa binata, di rin nagtagal ay umibig na rin ang dyosa sa binata.

Sumubok siyang aminin ang kanyang nararamdaman para sa binata  kahit na alam niyang ipinagbabawal ito sa mundo ng diyos at ng tao.

Gayon pa man, sigurado na si Lihangin sa kanyang nararamdaman dahil kilala niya ang binata na napakabuti ng puso at mapagmahal sa pamilya.

Walang kaalam alam ang pamilya ni Lihangin na sila ay kinasal na. Di na rin bumalik sa langit si Lihangin dahil gusto na niyang manatili sa lupa kasama ang kanyang pamilya. Matapos ang ilang taon, nagkaroon na sila ng dalawang anak,  isang babae at isang lalaki na kambal. 

“Ang ipapangalan ko sa anak nating lalaki ay Malakas at sa babae naman ay Maganda.”, sabi ni Lihangin sa kaniyang asawa.

Tuwang tuwa rin si Haru sa kaniyang amo dahil meron na rin siyang makakalaro na dalawang tao.

Ngunit di alam ni Lihangin na sa oras na manganak siya ay mababawasan ang kanyang kapangyarihan, tatanda at mamamatay. Ito ay sumpa sa sinumang diyos na iibig sa mortal. 

Pagkatapos na manganak ni Lihangin, doon na nagsimula na nabawasan ang kanyang kapangyarihan di na rin niya kayang lumipad kaya napagpasyahan nilang mag asawa na maghanapbuhay din si Lihangin.

Parehas na nagtatrabaho ang mag asawa. Ang dalawang anak nila ay inaalagaan ni Haru sa kanilang bahay sa tuwing naiiwan ang mga ito habang naghahanap buhay ang mag asawa. Tuwing pagkatapos maghanap buhay ng mag asawa sa kanilang bukid, agad nilang inaasikaso ang kanilang anak. Pantay sila ng mga ginagawa sa pang gawaing bahay.

Lumipas ang sampung taon.

“Hoooooot! Haruuu!” tawag ni malakas.

“Gusto ko ring matuto niyan kuya! Paano ba tawagin si Haru?”, tanong ni Maganda.

“Ganito lang yan sumipol ka. Madali lang naman. Subukan mo kasi” asar ni Malakas kay Maganda.

At humangin nang malakas. Senyales na nilalaro sila ni Haru.

Sinusubukan naman ni Maganda ngunit di pa rin siya matuto.

Isang araw nagtatrabaho si Lihangin, napapansin niyang nanlalabo na ang kanyang mga mata.

“Haru?! Nariyan ka ba?”, tawag na nanginginig sabay sumipol nito na nanghihina. 

Humangin nang malakas at nararamdaman niyang nariyan lang si Haru sa kaniyang tabi.

Habang naglalakad ay biglang natumba’t naglaho na si Lihangin na nangangahulugang iniwan na niya ang kanyang pamilya at si Haru.

Di alam ni Haru na naglaho na si Lihangin. Hanap pa rin siya nang hanap hanggang sa maligaw na ng daan.

Lumipas ang ilang araw at gabi ay hinintay pa rin ng magkapatid ang kanilang ina.

At si Haru ay patuloy na hinahanap si Lihangin na di alam kung nasaan na siya. 

“Hooooot” sipol ni Malakas upang tawagin si Haru at agad na dumating ito. 

Salamat sa sipol ni Malakas dahil naging giya ito ni Haru upang makauwi. 

“Haru? Kasama mo ba ang aming ina?”, malungkot na tanong ni Malakas.

“Kuya nasan na si ina?”, tanong ni Maganda. “Babalik pa kaya siya? Ano na kaya ang nangyari sa kanya?”

“Di ko rin alam. Di sumasagot si Haru”, iyak ni Malakas.

Makalipas ang ilang taon, namatay na rin ang asawa ni Lihangin. Napagpasyahan din ng magkapatid na maghiwalay na at  bumuo na ng sariling pamilya. 

Dumami ang lahi ng angkan ni Lihangin mula kina Malakas at Maganda. Ngunit si Haru ay patuloy na hinahanap ang kanyang amo na di na bumalik.

Lumipas ang maraming taon ay tumanda at namatay na rin si Malakas at Maganda.

Naiwang mag isa na nangungulila si Haru. Ayaw niyang umakyat sa langit dahil gusto niyang bumalik doon kapag kasama na niya muli si Lihangin, ngunit di niya alam na di na ‘to mangyayari.

Nagdaan ang limang daang tao, nabulag na rin si Haru dahil sa pangungulila sa kanyang amo ngunit patuloy pa rin ito sa paghahanap.

Kaya ngayon,sa tunog ng sipol, ito ay ginaya na ng mga tao sa pamilya ni Lihangin na ang pagsipol ay makikipag usap sa alaga o kung anumang hayop. Kapag sumisipol naman at humahangin, ibig sabihin nito ay si Haru ang lumalapit sa tao na inaakala niyang boses ni Lihangin ang tumatawag sa kaniya. Wala na siyang paningin kaya umaasa na lang siya sa kanyang pandinig na mahahanap pa si Lihangin. Kaya may tao na may kakayahang sumipol at ang iba nama’y di marunong dahil ito sa namana nilang katangian sa magkapatid.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.