Empatiya, Trahedya, at Opresyon sa Dekada ’70 ni Lualhati Bautista

Dekada 70 movie

Ang sanaysay na ito ay tugon sa pelikula at nobela ng Dekada ’70 ni Lualhati Bautista gamit ang Marxist na kritisismo upang maipaliwanag ang sense of empathy o pag-ugnay, pagtalakay sa alyenasyon ng bidang karakter dahil sa kaniyang pagiging babae at pagiging ina sa isang mapang-aping lipunan, at kung paano niya napalaya ang kanyang sarili habang napagtanto sa kanyang pamilya ang repleksyon ng mapanlilang na lipunan.

Alyenasyon ni Amanda sa Pamilya Bartolome

Tinatalakay ng nobela ang mga trahedya ng Pamilya Bartolome noong panahon ng Martial Law. Sila ay binubuo ng mag-asawang sina Amanda, and Julian Bartolome Sr.; at mga anak na lalaking sina Jules, Gani, Em, Jason, and Bingo. Sila ay halimbawa ng isang tradisyunal na pamilya.

Maaring masabi na sina Amanda at Julian ay mapagmahal na mag-asawa – Si Julian ay malambing kay Amanda, kung minsan ay may tawagan pa sila habang nasa hapag na narirnig ng mga bata, gayundin naman si Amanda na may respesto kay Julian bilang haligi ng tahanan. Subalit, nagsimula ang alitan ng kanilang relasyon noong isang kinagabihan na sinabi ni Julian:

Okay, sweetheart, maliwanag ang papeles ng mga anak mo. Sang-ilan na lang ang mga anak mo ay magiging opisyal nang tao ng mundong ito…ng mundong ito, kung saan kayong mga babae ay parang mga dahong natutuyo sa sanga, sa kakahintay sa ngiti’t pansin naming mga lalaki…Hanggang sa maawa kaming isali kayo sa ligaya’t luwalhati ng mundong ibabaw.. Wala kayong magagawa. ‘Yan ang batas –It’s a man’s world.

Lahat ng miyembro sa pamilya maliban kay Amanda ay natuwa at nasiyahan. Ang linya mula sa pelikula at nobela ay tumutukoy sa alyenasyon ni Amanda dahil siya ay isang babae at siyang pangunahing halimbawa sa pasaring ni Julian. Ngunit, ang kahulugan ng liniyang iyon ay mas mapapalalim pa sa konteksto ng pag-ugnay sa nangyayari sa lipunan.

Nagulat si Amanda noong pinayagan siya ng kanyang asawang si Julian upang magtrabaho. Ngunit noong napagtanto ni Julian na gusto ni Amanda na magtrabaho sa isang opisina, kumunsulta muna siya sa kanyang kumpare. Nauwi sa selosan sa panig ni Julian. Natapos ang kanilang argumento sa pagbawal ni Julian sa kagustuhan ni Amanda na magtrabaho, dahil si Julian ang lalaki sa pamilya. Napatahimik lamang si Amanda at dito makikita ang pagkakaiba ng lakas sa isang pamilya na pinangingibabawan ng mga lalaki. Ito ang tinatawag na superstructure sa isang pamilya kapag ang tatay o lalaki ang nasusunod habang ang babae o nanay ay nananatili lamang sa gawaing-bahay.

Bilang ang kaniyang pamilya ay pinangingibabawan ng kalalakihan, si Amanda bilang isang babae ay nasa laylayan mismo ng kanyang desisyon upang gumawa at magtrabaho. Sa Marxismo, ang paggawa ay isang pangunahing elemento sa kabuuan ng pagkatao, nagiging repleksyon ng katauhan, at konsepto ng sarili. Dahil dito, ang hindi paggawa or pagtrabaho ni Amanda ay isang balakid sa kanyang pagkatao bilang isang babae. Datapwat, may iba pa siyang hinaharap na mga pagsubok bilang babae sa isang patriyarkal na lipunan.

Ang trahedya ng Pamilya Bartolome

Ang pinakatrahedya sa buhay ni Amanda ay noong pinatay ang kaniyang anak. Jason, ang binata ng pamilya na namumuhay sa isang perpektongestado ay pinatay sa hindi makataong paraan. Dito napaisip si Amanda bilang ina kung bakit sa lahat, bakit ang pamilya pa niya. Sa usapan nila ni Julian:

Ginagawa natin ang lahat ng magagawa natin. Pero huwag kang umasa. Huwag kang umasang malulutas ang kasong ito. Dahil hindi inaasahan ang gobyerno na lutasin ang mga kaso ng mga walang pangalan na mamamayan! Punyeta, Amanda! Hindi lang ang anak mo ang pinatay. Libo-libo na ‘yan.Tino-torture, sina-salvage, tinatanggalan ng bahay, pinagpuputa…Pinapatay sa iba’t ibang paraan. Pinapatay ang mga ama, ina, anak sa iba’t ibang paraan, Amanda.

Ang usapan nila Amanda at Julian ay nangangahulugang walang halaga ang kaniyang opinion. Wala siyang magagawa kundi ang magluksa sa isang lipunang mapanlamang at mapang-api.

Ang desisyon ni Amanda

Sa kabuuan ng istorya, ang konbiksyon ni Amanda bilang isang ina ay sinubok sa pamamagitang ng kaniyang mga anak.

Si Amanda ay maipapaliwanag bilang isang ina na may matinding pagprotekta sa kaniyang mga anak. Siya ay nag-aalala sa kaniyang pamilya lalo na noong nasa kamay ng Metrocom ang kaniyang mga anak. Bukod pa rito, pinatunayan ng kaniyang mga anak na patriyarkal ang lipunan. Kinasal nang maaga si Gani, si Em ay nagging boses ng kaniyang kuyang si Jules at ng kanilang organisasyon sa pamamagitang ng pagsusulat, si Jason naman ay gusto ng kasintahan, at si Bingo naman ay hanga sa kaniyang mga kuya.

Napagtanto ni Amanda na ang rason na makakapagpanatili ng kaniyang pamilya ay unti unting nawawala at ito ang naging balakid sa katauhan ni Amanda sa pamilya, dahil ang paggawa o labor niya ay ang pagpapanatiling ligtas ng kaniyang pamilya.

Paglaya sa tanikala

Una sa lahat, kailangang makalaya ni Amanda sa tanikala ng tahanan, na nangangahulugan ng kaniyang paglaya sa pangingibabaw ng kaniyang asawang si Julian. Sa ganitong paraan, malalaman niyang mayroon siyang sariling pag-iisip at desiyon bilang isang babae at patuloy na mabubuhay sa kabila ng kaniyang pagluluksa sa namatay na anak. Ito ay mas lalong papa-igtingin ng linyang:

Ang hirap sa’yo akala mo lahat nabibili ng pera. Ni hindi mo nga ako maintindihan kasi buong buhay ko nanay lang ako. Ni hindi naman ako mahusay na ina ah! … ‘Yun lang naman kasi ‘yun pero hindi mo pa rin naiintindihan. Kasi buong buhay na mag-asawa tayo ang isip mo nasa kung tama ba o mali ang ginagawa ko. Kung nakakasunod ba ako sa panuntunan mo o hindi, kung eksakto sa ikinikilos ko ang sinasabi mo…tapos na ako diyan Julian. You can just stop being proud of me! Nagsawa na ako sa ganun. Gusto ko naman ngayon, ako mismo, just for a change, maging proud sa sarili ko.

Sa bigat ng kaniyang mga sinabi, doon niya napatunayang siya nga ay nawala sa pagkatao niya bilang isang indibidwal at ito ay mas lalong nararanasan ng kababaihan.

Natural na makalalaki o patriyarkal ang bansang Pilipinas. Ang paniniwalang ito ay mas matatag lalo na noong martial law, lalo noong pinatunayan ni Julian na siya ang haligi ng tahanan at dapat na prumotekta sa kanyang pamilya. Halimbawa si Julian ng isang tradisyunal na lalaking malakas at matatag. Ngunit, naging malambot din si Julian sa linyang ito:

Hindi rin madali ang pagiging lalaki. Marami ring emosyon ang iniipit na lang rito. Kasi hindi daw bagay sa lalaki ang masyadong emosyonal. ‘Di rin daw bagay sa lalaki ang masyadong salita. Lalong ‘di bagay sa lalaki ang umiiyak. Kaya kung minsan umiiwas, ‘di humaharap, ‘di tumitingin, lalo na sa sarili niyang asawa. Amanda hindi lang ikaw ang nagtatanong ng mga sarili mong pagkukulang, ako din. I feel guilty too about Jason. Gusto kong gumanti. Putang ina.

Pinapakita lamang dito ang na kahit lalaki ay pwede ring magpakita ng kahinaan at maaring lipunan lamang ang nagdidikta na dapat palaging malakas ang mga lalaki.

Konklusyon

Makikita ang pag-ugnay o sense of empathy sa nobela at pelikula dahil tinatalakay nito ang makabuluhang nangyayari sa lipunan. Ika nga, ang panitikan ay repleksyon ng reyalidad. Patunay lamang na sa ang bawat malikhaing gawain ay nagmula sa isang kritikal na isyu sa lipunan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.